Mananatiling physically closed o sarado pa rin ang lahat ng mga korte sa National Capital Region (NCR) matapos inilagay sa General Community Quarantine (GCQ) na mayroong Alert Level 4 simula ngayong araw Setyembre 16.
Gayunman, nilinaw ng Korte Suprema na tuloy naman ang operasyon o mga pagdinig sa lahat ng mga korte sa NCR.
Ito ay sa pamamagitan ng online at videoconferencing hearings sa mga nakabinbin na mga kaso para hindi maantala ang proseso sa mga hukuman.
Para naman sa ibang pangangailangan o katanungan ay maaari anyang makipag-ugnayan sa mga korte sa pamamagitan ng kanilang hotlines at email address na makikita sa Supreme Court website.
Kaugnay nito, mananatili din nakatigil ang mga paghahain ng kaso at mga mosyon o apela at muli na lamang bubuksan pagkatapos ng pitong araw at magsisimula ang bilang sa unang araw ng physical reopening ng korte.