-- Advertisements --

Nanindigan ang mga kongresistang nagtataguyod ng panukala na amyendahan ang economic provision ng Konstitusyon na mahalaga ang reporma sa Konstitusyon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng lipunan at sa pagpapalago ng pambansang ekonomiya.

Ito ang binigyang-diin nina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. ng Pampanga, at Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ng Quezon matapos lumabas ang resulta ng survey ng Pulse Asia kaugnay ng Charter change.

Sa kabila ng resulta ng survey na nagsasabing 74 porsyento ng mga respondent ang hindi sang-ayon na magkaroon ng pagbabago sa Saligang Batas, iginiit naman ni Dalipe na ang reporma sa Konstitusyon ay mahalaga upang tugunan ang nagbabagong pangangailangan ng lipunan.

Binigyang diin naman ni Suarez ang kahalagahan na maamyendahan ang Konstitusyon upang mabilis na maabot ang inaasam na pag-unlad ng bansa.

Ipinunto naman ni Gonzales ang kahalagahan ng mga pagbabagong konstitusyonal sa pagtugon sa kasalukuyang pangangailangan ng lipunan.

Samantala, ipinaliwanag din ni Suarez ang kahalagahan ng pagtuon sa mga probisyong pang-ekonomiya at paglilinaw sa mga maling akala ukol sa pinakabagong Cha-cha initiative.

Sa pagtugon sa mga kritiko, muling iginiit ni Dalipe na ang panukalang pagbabago sa economic provisions ay walang kaugnayan sa pagpapahaba ng termino ng mga nanunungkulan kundi para lamang mas dumami ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Binanggit pa ni Dalipe ang mga potensyal na benepisyo dulot ng targeted constitutional amendments, tulad ng pag-anyaya ng mas maraming dayuhang mamumuhunan, paglikha ng trabaho, at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino.

Ipinunto rin ni Suarez ang kahalagahan na magkaroon ng kaalaman at lumahok ang publiko sa usapin ng pagbabago sa Konstitusyon upang tiyakin na ang mga inihahain na mga reporma ay tumutugma sa mga pangangailangan at hinahangad ng mga Pilipino.