
Sasailalim sa self-quarantine ang lahat ng mga miyembro at empleyado ng Kamara na dumalo sa special session noong Lunes alinsunod sa umiiral na protocols sa COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni House Secretary General Atty. Jose Luis Montales matapos na nagpositibo sa COVID-19 si House Appropriations Committee chairman Eric Yap, na isa sa mga dumalo sa special session noong Marso 23, 2020.
Kabilang sa mga physically present sa special session ay sina Speaker Alan Peter Cayetano, Majority Leader Martin Romualdez, at Minority Leader Bienvenido Abante Jr.
Bukod sa kanila, 18 iba pang mga kongresista na dumalo sa special session ang sasailalim din sa self-quarantine.
Kinumpirma ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte, ang nag-sponsor sa panukalang batas na tinalakay sa special session na nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-resolba sa COVID-19, na sasailalim siya sa naturang protocol.
“I’m on my Day 1 of self-quarantine and will complete the 14 days. I’m feeling good and normal, no symptoms such as sore throat, fever or cough,” ani Villafuerte.
Nabatid na isa rin si Villafuerte sa nakasama ni Yap sa isang pagpupulong sa Malacañang noong Sabado.










