Inaasahan ng OCTA Research group ngayong araw na magkakaroon ng pagbaba sa bilang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa kabila ito ng sunud-sunod na araw na nakapagtala ng nasa mahigit dalawang libong bilang ng mga kaso ng nasabing virus sa bansa.
Sa isang panayam ay sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ngayong araw ng Martes ay posibleng umabot lamang sa 1,500 ang bilang ng mga kasong maitatala sa bansa ngunit sinabing posible pa rin itong tumaas pa sa mga susunod na araw.
Ayon pa kay David, may posibilidad na nag-peak na ang mga kaso ng COVID-19 sa NCR batay sa kanilang naitatalang daily positivity rate at kung magtutuluy-tuloy pa aniya ito ay posibleng bumaba na rin daw ang trend sa rehiyon.
Pero paglilinaw niya, ang sinasabing pagbaba ng trend na ito ay posibleng sa Metro Manila lamang maranasan dahil may ibang lugar pa kasi aniya sa bansa ang nagsisimula pa lamang na makapagtala ng mataas na kaso ng nasabing sakit.
Samantala, muli namang iginiit ni Dr. Guido David na ang nararanasang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng nakakamatay na virus sa iba’t-ibang panig ng bansa ay hindi pa rin dapat na ikaalarma.
Basta’t kinakailangan lamang na patuloy na mag-ingat ang publiko sa pamamagitan ng mga pagsunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols ngayong batid na nila na mayroong mga lugar pa rin ang nakakaranas ng bahagyang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng COVID-19.