CEBU CITY – Hindi pa rin maka-move on ang mga Cebuano sa pagkamatay ni NBA star Kobe Bryant.

Maging ang mga pulis at mga detainees ay may kanya-kanyang saloobin sa nangyaring insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu News Team ng iilang mga pulis at mga detainees ng Mabolo Police Station dito sa lungsod ng Cebu, kanilang ikinalungkot ang nangyari sa kanilang ini-idolo.

Inihayag ni Police Master Sergeant Lester Dahaw na napakasayang at nawala na ang Black Mamba.

Aniya, kahit nagretiro na ito ay marami pa naman itong natutulongan lalong-lalo na ang ‘mass housing program’ nito sa Los Angeles.

-- Advertisement --

Dagdag pa ng pulis, isang magandang ehemplo rin diumano si Kobe para sa mga ama na maging responsable at may oras sa pamilya.

Habang, ikinalungkot naman ng mga detainees ng nasabing police station ang pagkamatay ng kanilang idolo na si Bryant.

Giit ni alyas “Chickboy”, isang detainee, na kahit wala naman silang radyo o TV sa loob ng bilanggoan ay nakaabot pa rin sa kanila ang malungkot na balita.

Diumanoy bata pa lang ay nakita na nito ang kagalingan ng NBA star sa basketball court kaya simula pa noon ay kanya na itong ini-idolo.