-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mas hinigpitan na sa ngayon ang seguridad sa buong Central Mindanao kasunod ng mga naitalang serye ng pagsabog na nag-iwan ng maraming sugatan.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Major Homer Estolas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division Philippine Army, ipinahayag nito na doble ang ipinatutupad na security measures sa mga matataong lugar sa Cotabato City kung saan naganap ang unang pagsabog; Limbungan, North Cotabato at sa bayan ng South Upi, Maguindanao.

Ayon kay Major Estolas, mas pinaigting din ang pagsasagawa ng checkpoints sa entry at exit points upang maiwasan ang parehong insidente.

Samantala, ibinunyag nito na ang mga kabataang edad na 15 ang tinitingnang siyang nag-iwan ng fragmentation grenade sa Cotabato City.

Kaugnay nito, inaalam din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung anong grupo konektado ang nasabing mga kabataan at patuloy na nila itong biniberipika.

Una nito, ipinahayag ni Western Mindanao Command spokeperson Major Arvin Encinas na ang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang may kakayahan sa pagsagawa ng pagmomomba.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng AFP at Philippine National Police sa insidente at inaalam kung konektado at iisang grupo lamang ang may kagagawan sa tatlong pagsabog.