-- Advertisements --

Iginiit ng Police Regional Office-7 na bumuti ang peace and order ng Central Visayas at nananatiling ‘very safe’ ang lugar dito.

Inihayag ni Police Regional Office-7 PLt Col Gerard Ace Pelare na bumaba ng 4% ang criminality dito mula Enero hanggang Abril ng kasalukuyang taon kung ikukumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon.

Dagdag pa ni Pelare na bumaba ng 20.8% ang criminality dito batay sa kanilang pagkumpara sa dalawang lumipas na linggo.

Samantala, inihayag ng opisyal ng pulisya na isolated cases lamang ang mga naitatalang pamamaril sa iba’t ibang bahagi ng lugar dito kung saan ang ilang dahilan pa aniya kaya ginawa ang krimen ay dahil sa droga at personal na alitan.

Sa buong rehiyon, aabot sa 157 na insidente ng pamamaril ang naitala mula Enero hanggang sa kasalukuyan ngayong taon gayunpaman, nilinaw ni Pelare na 87% ng mga kasong ito ay maaaring nalutas o na-clear na.

Nasa 13% lamang umano ng kabuuang insidente ng pamamaril ang nasa ilalim pa ng imbestigasyon.

Kaya naman, humingi ito ng tulong mula sa publiko upang maiwasan ang o mapigilan ang isang krimen at para mapababa pa ang nasabing bilang.