Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na simula ngayong taon makakatanggap na ng taunang medical allowance na nagkakahalagang 7,000 ang mga guro at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd), bilang bahagi ng pinalawak na suporta sa kalusugan para sa mga empleyado ng gobyerno.
Layunin nitong bawasan ang gastos ng mga empleyado sa pagpapagamot at mapabuti ang kanilang kalusugan at trabaho, lalo na sa mga lugar na mahirap marating at mapanganib. Ayon pa kay Education Secretary Sonny Angara, paraan din aniya ito ng pagpapakita ng pasasalamat sa kanilang dedikasyon.
Nakasaad sa DepEd Order No. 16, s. 2025, maaaring makuha ng mga kuwalipikadong kawani ang benepisyo sa isa sa tatlong paraan: una, pagsali sa group HMO na kukunin ng DepEd o pagkuha o pag-renew ng sariling HMO-type health card, at maaari ring tanggapin ang halagang 7,000 sa pamamagitan naman ng payroll para sa mga nasa malalayong lugar na walang access sa HMO.
Saklaw ng benepisyo ang mga regular, kontraktwal, casual, o may fixed-term na empleyado na nakapaglingkod ng hindi bababa sa anim na buwan sa loob ng taon.
Ang benepisyong ito ay bahagi rin ng Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) na nagbibigay ng karapatan sa kalusugan para sa mga guro.