Ipinapayo ng Teachers Dignity Coalition sa mga estudyante at mga guro na dumadalo sa face-to-face classes sa loob ng mga silid-aralan na magsuot pa rin ng face mask para na rin sa kanilang proteksyon.
Ayon kay Benjo Basas, National Chairman ng Teachers Dignity Coalition (TDC), hindi naman sila tutol sa polisiya na gustong gawin ng Malakanyang na na nagpapahintulot sa optional masking indoors at outdoors at handa naman sila tumalima sa DEPED order na nangangahulugan na pumapasok na at bumabalik na sa normal na pamumuhay sa bansa matapos ang halos tatlong taon.
Pero para sa kanila ay hindi na muna dapat na ganap na alisin ng mga mag aaral at mga magulang ang nakasanayan nang pagsusuot ng facemask,lalo na at araw araw ay may report pa rin ang Department of Health na may mga naitatala pa ring kaso ng covid 19.
Paliwanag nito na iba ang situwasyon sa loob ng mga silid aralan sa mga ibang indoor dahil mataas ang level ng congestion sa mga classrooms.
Una rito, sa inilabas na EO No. 7, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay nagbibigay sa mga tao ng opsyon na huwag magsuot ng kanilang mga face mask sa indoors setting sa unang pagkakataon mula noong Marso 2020.
Ang kautusan, gayunpaman, ay inirerekomenda pa rin ang pagsusuot ng mga face mask para sa mga matatanda, mga indibidwal na may mga komorbidities, mga indibidwal na immunocompromised, mga buntis na kababaihan, pati na rin ang mga hindi nabakunahan na mga indibidwal, at mga taong may mga sintomas ng COVID-19.