Personal na ininspeksyon ni Lapu-lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan ang mga kalsadang dadaanan ng mga lalahok sa Ironman 70.3 Philippines na gaganapin sa Cebu ngayong araw ng Linggo, Agosto 7.
Inihayag ni Chan na handang-handa na umano ang lungsod ng Lapu-lapu sa nasabing event.
Sa kanyang paglibot, sinabi nitong handa at “safe” nang gamitin ng mga siklista ang mga kalsada.
Samantala, nakatakdang isara sa mga motorista ang ilang mga kalsadang daanan ng karera partikular ang Cebu-Cordova Link Expressway(CCLEX) mula alas 12 ng madaling araw hanggang ala una ng hapon sa araw ng Linggo dahil sa unang pagkakataon ay daanan ito ng bike leg ng triathlon.
Sa Sabado, Agosto 6 isasara naman simula alas 5 hanggang alas 10 ng umaga ang mga kalsada sa Barangay Mactan para sa isasagawang Ironkids.
Sa Agosto 7, isasara naman ang mga kalsada mula 4:00am hanggang 2:00PM kung saan apektadong mga barangay ay ang Punta Engaño, Mactan Maribago, Agus, Marigondon at Subasbas.
Pinayuhan naman ang mga may lakad na umalis nang maaga upang maiwasan ang karagdagang abala dahil sa pagsasara ng mga kalsada.
Wala namang itinalagang lugar para sa mga manonood ngunit maaaring manatili sa tabi ng kahabaan ng ruta ng karera at ipinagbabawal ang pagtawid para sa layuning pangkaligtasan.
Inaasahan ng mga organizers ang libu-libong endurance athlete na sasali sa sporting event na nagtatampok ng swimming, biking, at marathon running.