Sa paghahanda para sa posibleng epekto ng Bagyong Tropical Storm Aghon, inihayag ng Manila Electric Co. (Meralco) na sila ay mahigpit na nagbabantay at handang tumugon sa anumang power outages at mga problema sa serbisyo ng kuryente na maaaring maganap.
Sa pahayag ngayong Linggo, Mayo 26, sinabi ni Joe R. Zaldarriaga, bise presidente ng Meralco at head ng corporate communications, naka standby ang kanilang mga tauhan para harapin ang anumang emergency na maaaring makaapekto sa kanilang mga pasilidad sa mga lugar na inaasahang maapektuhan ng bagyo.
Sinabi rin ni Zaldarriaga na gumagawa na ng mga kinakailangang hakbang ang Meralco para mabawasan ang posibleng epekto ng weather disturbance at naglabas na rin umano sila ng mga advisories hinggil sa precautionary measures.
Sa oras na bahain, nagpaalala si Zaldarriaga sa publiko na sundin ang safety tips tulad ng pagpatay ng main electrical power switch, iwasan ang contact sa mga electrical appliances kapag basa ang kamay, at i-unplug ang mga appliances mula sa mga wall socket.
Bukod dito, pinapakiusapan din ng Meralco ang publiko na panatilihing nakabukas ang mga communication channels at mag-charge ng essential devices tulad ng mobile phones, laptops, at radios.
Sa kaso naman ng mga power interruptions, maaaring makinig ang mga customer sa mga public service radio stations para sa mga update.