-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Magbibigay ng dalawang araw na menstruation privilege kada buwan ang lokal na pamahalaan ng Tangalan sa lalawigan ng Aklan sa kanilang mga kwalipikadong babaeng empleyado.

Ayon kay Tangalan Vice Mayor Gene Fuentes sa ilalim ng inaprubahang ordinansa, papayagang mag-work-from-home ang mga empleyado ng dalawang araw bawat buwan.

Batid umano nila ang sakit na nararamdaman at body discomfort ng mga kababaihan tuwing may menstruation lalo na ang mga dumaranas ng dysmenorrhea.

Kwalipikado dito ang mga permanent o regular na empleyado na nasa reproductive age o hindi menopause at buntis.

Dagdag pa nga kapag may regla ang mga babae, kadalasang hindi produktibo ang mga ito sa trabaho.

Sa kabilang daku, nakasaad pa sa ordinansa ang pagtakda ng pondo ng LGU-Tangalan para sa ipamamahaging menstrual kit na malaking tulong aniya sa menstrual hygiene ng mga empleyadong babaye.

Ang naturang ordinansa ay nakatakdang ilunsad sa Nobyembre 28 sa flag raising ceremony kasabay sa selebrasyon ng Violence Againt Women and Children Week.