-- Advertisements --

Pinaghahandaan ng dalawang water concessionaires sa Metro Manila ang posibleng epekto nang mababang lebel ng tubg sa Angat Dam.

Ayon kay Maynilad Water Services Inc. corporate communications head Jennifer Rufo na nakikipag-ugnayan na sila sa National Water Resources Board at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para masolusyinan ang posibleng epekto ng mababang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy aniya ang kanilang pag-setup ng apat na modular treatment facilities sa iba’t ibang lugar at ina-activate na rin ang ilan sa mga deep wells para makadagdag sa supply ng tubig na kinukonsumo ng kanilang mga customers.

Ang mga proyektong ito aniya ay inaasahang makukompleto bago pa man ang dry season.

Samantala, sinabi naman ng Manila Water na ang kanilang treatment facilities at deep wells ay naka-standby na rin sakali mang makaapekto sa kanilang supply ang mababang lebel ng tubig sa Angat Dam, na pinagkukuhanan ng 96 percent ng malinis na tubig ng mga taga-Metro Manila.

Nabatid mula sa NWRB na ang water level sa Angat Dam ay maaring bumaba at umabot sa critical level nito na 180 meters sa Abril.

Hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga, natukoy sa datos ng Pagasa na ang water level sa Angat Dam ay nasa 195.79 eters, o 16 meters na mas mababa sa normal high water level nito na 212 meters.