-- Advertisements --

Ibinahagi ng Kapamilya singer at actress na si Maymay Entrata sa kanyang Instagram account ngayong Mayo 16 ang malungkot na balitang pumanaw na ang kanyang inang si Lorna, matapos ang laban nito sa cancer.

Ayon kay Maymay, matagal na nanirahan at nagtrabaho ang kanyang ina sa Japan upang suportahan ang kanilang pamilya.

Sa isang emosyonal na Instagram Reel, ipinakita ni Maymay ang ilan sa huling sandali nila ng kanyang ina habang magkasama silang naglalakad sa mga lansangan sa Japan. Suot ang magkapares na outfit, masayang pinanood ang mag-ina habang inaawit ang kantang “That’s What Friends Are For” nina Dionne Warwick at iba pang musikero.

Ipinahayag ni Maymay ang kanyang labis na pasasalamat at pagmamahal sa kanyang ina na aniya’y nagturo sa kanya ng walang kapalit na pagmamahal. “Mahal na mahal kita Inay,” aniya, “at wala akong pinagsisihan sa lahat ng sakripisyo kong makita ka lang maging masaya.”

Nagbigay rin siya ng payo sa kanyang mga tagasubaybay na pahalagahan ang kanilang mga mahal sa buhay habang narito pa sila. “Huwag kayong maghintay ng huli bago magsimulang magmahal nang buo,” paalala ni Maymay.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang maraming kaibigan at tagahanga ng Kapamilya star sa comment section ng kanyang post.