-- Advertisements --

LA UNION – Pananakit ng ilong at lalamunan ang hinaing ngayon ng karamihan na naka-aamoy usok at abo na ibinubuga ng Bulkan Taal.

Ito ang sinabi sa Bombo Radyo La Union ni Glenn, tubo sa bayan ng Sudipen La Union, ngunit nagtatrabaho na ngayon bilang service crew sa Batangas City at doon na rin nakapag-asawa.

Aminado si Glenn na may panic buying na sa face masks at gas masks, dahil ito ang higit na kailangan ngayon ng mga tao para protektahan ang sarili mula sa mga sakit na dulot ng usok at abo mula sa bulkan.

Ayon kay Glenn, patuloy silang nakakaranas ng paglindol at ashfall kahit na malayo sila sa pumutok na bulkan.

Sinabi din nito na maaga silang pinauwi sa trabaho dahil sa pinangangambahang volcanic tsunami sa mga katabing lawa ng bulkan partikular sa Taal lake.

Hindi pa alam ni Glenn kung may pasok sila bukas sa trabaho, pero depende ito aniya sa aktibidad ng bulkan.