-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang masusing imbestigasyon sa nangyaring insidente sa pagitan ng Chinese Coast Guard na humarang at pwersahang kinuha mula sa Philippine Navy ang nadiskubreng “unidentified floating object” na pinaniniwalaang debris ng Chinese rocket na bumagsak sa may Pag-asa island.

Ayon kay DFA spokesperson Ma. Teresita Daza, sa ngayon kanilang inaantay ang detalyadong report mula sa maritime law enforcement agencies bago magbigay ng komento.

Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang Chinese embassy sa Manila sa latest incident sa isla.

Una ng iniulat ni Vice Admiral Alberto Carlos ng Western Command na nangyari ang naturang insidente noong araw ng Sabado matapos mamataan ng kawani ng Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) sa pamamagitan ng isang long-range camera ang isang undentified floating object na inaanod 800 yards mula sa kanlurang bahagi ng Pag-asa island.

Agad naman nilang tinungo ang lugar para sa ocular inspection at doon narekober ang isang lumulutang na bagay subalit hinarang sila ng miyembro ng Chinese coast Guard at pwersahan kinuha mula sa Philippine Navy ang naturang bagay sa pamamagitan ng pagputol sa towing line na naka-attach sa rubber boat ng Naval Station Emilio Liwanag.

Ang naturang insidente ay nangyari ilang oras bago ang pagdating ni US VP Kamala Harris dito sa Pilipinas para sa kaniyang mga aktibidad kabilang ang pagpapaigting ng Amerika ng suporta sa bansa pagdating sa soberanya at territorial integrity at paghasa pa sa defense ties sa pagitan ng Amerika at ng Pilipinas.