-- Advertisements --

Balak ng pamahalaan na magsagawa ng malawakang COVID-19 testing sa Metro Manila para sa mga suspected cases ng naturang nakakamatay na sakit sa darating na Mayo 7.

Sa virtual hearing ng House Defeat Covid-19 Committee (DCC), sinabi ni National Task Force Covid-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na prayoridad nila ang National Capital Region (NCR) sa isasagawang mass testing dahil ito ang siyang “center of gravity” ng pandemic sa bansa.

Sakop ng isasagawa nilang mass testings ay mga persons under investigation at monitoring, at mga frontliners.

Sa oras aniya na ma-flatten ang curve sa NCR, sinabi ni Galvez na maituturing 70 percent nang tapos ang laban kontra COVID-19.

Bago sumapit naman ang Mayo 15 ay isusunod na nila sa mass testing ang iba pang red o high-risk areas sa ilalim ng Luzon-wide enhanced community quarantine.

Samantala, sinabi rin nito na target din ng national task force na makapagsagawa ng 20,000 tests kada araw simula Mayo 15 at 30,000 tests naman bago sumapit ang Mayo 30 na may standard processing time na 24 hanggang 48 hours sa releasing ng test results.