-- Advertisements --
image 73

Sinimulan na ang masinsinang imbestigasyon sa isa pang hazing incident na nangyari sa Cebu na ikinasawi ng University of cebu student na si Ronnel Baguio noong Disyembre 2022.

Ito ay inilunsad ng Public Attorney’s Office at National Bureau of Investigation Region 7 isang araw matapos ipag-utos ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes ang pag-imbestiga sa Cebu hazing case.

Nakipagtulungan din ang dalawang ahensiya sa Philippine National Police sa pagsasagawa ng masinsinang imbestigasyon sa pagkamatay ni Baguio.

Samantala, nakipagtulungan na umano ang fraternity recruiter ni Baguio sa Cebu City Police Office (CPO).

Nagpapatuloy ang isinasagawang parallel investigation ng dalawang ahensiya sa pagkamatay ng hazing victim.

Hawak ngayon ng PAO-NBI team ang ilang ebidensiya gaya ng autopsy report mula sa PNP crime laboratory at palitan ng text message sa pagitan ng biktima at kaniyang recruiter na isinumite ng ina ng biktima sa PAO noon pang Enero.

Ayon sa Cebu City Police Office, natukoy na ang limang katao na responsable para sa initiation rites para kay Baguio.

Sa kabilang banda, kinumpirma naman ni Atty. Augusto Go, University of Cebu chairman na isa sa kaniyang university instructors ang sangkot sa hazing incident.

Aniya, kasalukuyang nasa Cebu ang nasabing instructor at handang makipagtulungan sa imbestigasyon gayundin ang unibersidad para makamit ang hustisya para sa biktima at kaniyang naiwang pamilya.