-- Advertisements --
DoE 032818 2

Inaasahan ng Department of Energy (DOE) ang mas maraming investment na papasok sa Pilipinas sa sektor ng geothermal energy.

Ito ay dahil na rin sa lalo pang pagbuti ng kalagayan ng pamumuhunan sa bansa, sa usapin ng enerhiya.

Ayon kay DOE Undersecretary Rowena Guevara, may mga nakalinyang geothermal energy plants ang inaasahan nang bubuksan sa ibat ibang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.

Kabilang na dito ang 17 megawatts (MW) Tiwi binary plant, 29 MW Palayan binary plant at 2 MW Biliran power plant. Ang mga naturang planta ay inaasahang mabubuksan na bago matapos ang kasalukuyang taon.

Maliban dito, nakatakda ring buksan sa susunod na taon ang 5.6 MW Bago binary plant at 20 MW Tanawon plant.

Sa kasalukuyan, inaasahan ng DOE na karagdagan pang 381 MW ang masisimulan sa mga susunod na araw, habang nakahanay na ang mga isinasagawang feasibility studies para sa mga ito.

Naniniwala si Usec Guevara na sa pamamagitan ng mas magandang investment picture sa Pilipinas, lalo na sa sektor ng Enerhiya, lalo pang darami ang bilang ng mga investors na papasok sa bansa.