Kumpyansa si National Economic and Development Authority Secretary Arsenal Balisacan na mas magiging maigi pa ang travel experience sa mga paliparan sa bansa sa oras na matapos na ang rehabilitation project ng Ninoy Aquino International Airport.
Ito ay matapos na ilabas ang Php170.6 billion na halaga para sa rehabilitation project ng NAIA na naglalayong gawing moderno ang lahat ng mga pasilidad dito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Balisacan na ang modernisasyon ay naglalayong itaas ang annual capacity ng mga paliparan sa bansa mula sa 35 milyon na mga pasahero hanggang 62 milyon na mga pasahero.
Gayundin ang pagdadagdag ng air traffic movement mula 40 hanggang 48 flights kada oras.
Samantala, sa kabilang banda naman ay pinuri ni Balisacan ang pagsisikap ng DOTR sa pamumuno sa NAIA public-private partnership (PPP) project na nakapasa sa mahigpit na pagtasa na isinagawa ng kaukulang evaluating agencies.