-- Advertisements --
pbbm

Inilunsad na ng Pilipinas at Australia ang Maritime Cooperative Activity ng dalawang bansa na isasagawa rin sa exclusive economic zone ng bansa.

Sa isang statement ay sinabi ni Pangulong Ferdinanad “Bongbong” Marcos Jr. na layunin nito na mas paigtingin pa ang bilateral interoperability ng maritime security at domain awareness ng dalawang bansa, partikular na sa test doctrines, at existing protocol, maging sa pagpapaigi pa sa efficiency, at mas malapit na kooperasyon sa pagitan ng dalawang hukbo ng Pilipinas at Australia.

Ayon sa pangulo, ang aktibidad na ito na isasagawa ng dalawang bansa ay magbibigay-diin sa shared commitment ng mga ito partikular na sa pagsuporta sa rules-based international order, at mas mapayapa, ligtas, at stable na Indo-Pacific region.

Samantala, batay naman sa inilabas na joint statement nina DND Sec. Gilberto Teodoro Jr. at Australian Deputy Prime Minister at Minister for Defence Richard Marles ay magtatagal hanggang sa darating na Lunes, Nobyembre 27, 2023 ang ikinasang Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas at Australia.

Dito ay gagamitin ng Philippine Navy ang kanilang barkong pandigma na BRP Gregorio del Pilar at BRP Davao del Sur, gayundin ang limang surveillance aircraft ng Philippine Air Force.

Habang ang gagamitin naman ng Australia ang kanilang Royal Australian Navy frigate HMAS Toowoomba, at ang P-8A maritime surveillance aircraft ng kanilang Royal Australian Air Force.

Kung maaalala, nito lamang Nobyembre 23 ay natapos ang isinagawang Joint Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas at Estados Unidos sa bahagi ng West Philippine Sea na tumagal din sa loob ng tatlong araw.