
Nagsagawa ng pagsasanay para sa mga tauhan mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) at sa National Coast Watch Center (NCWC) ang European Union Critical Maritime Routes Indian Ocean.
Ito ay alinsunod sa Maritime Industry Development Plan 2028 (MIDP 2028) sa pagsisikap na palakasin ang kaligtasan at seguridad sa karagatan.
Ang pagsasanay na nabanggit ay nakatutok sa epektibong paggamit ng Indian Ocean Regional Information Sharing (IORIS).
Ang pangunahing layunin ng komprehensibong pagsasanay ay upang ma-iangkop ang mga tauhan ng MARINA at National Coast Watch Center sa mga kinakailangang kasanayan upang maging mahusay na mga tagapagsanay at operator ng Indian Ocean Regional Information Sharing Platform.
Ito ay magbibigay-daan sa tuluy-tuloy na pagbabahagi ng impormasyon sa loob at pagitan ng mga ahensya.
Sinabi ni Director Engr. Ronaldo P. Bandalaria na ang mga sinanay na kalahok ay mauuna sa pagpapatupad ng proyekto sa iba’t ibang service units at Regional Offices.
Una na rito, ang mga kasunduan ay nilagdaan sa pagitan ng MARINA, National Coast Watch Center , at European Union Critical Maritime Routes Indian Ocean, na nagmarka ng isang mahalagang hakbang patungo sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng maritime industry.










