-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Rodante Marcoleta na hindi lamang siya ang aniya’y “nakakulong,” kundi maging ang katotohanang matagal nang hinihintay ng sambayanang Pilipino.

Sa isang panayam noong Hulyo 28, sinabi ni Marcoleta na nalulungkot siya sa kanyang kasalukuyang sitwasyon, ngunit mas ikinalulungkot umano niya na hindi pa rin nailalantad ang buong katotohanan sa mga isyung matagal nang kinahaharap ng bansa.

“Nakakalungkot talaga. Nalulungkot ako sapagkat hindi lang ako ang nakakulong. Ang nakakulong dito, ang taumbayan,” ani Marcoleta.

Ayon pa sa senador, hanggang ngayon ay hindi pa rin naibibigay sa publiko ang katotohanang matagal na nilang hinihintay.

“Anong nakakulong dito? ‘Yong kanilang hinahanap na katotohanan, hanggang ngayon ay hindi naibibigay sa kanila,” dagdag niya.

Iginiit din ni Marcoleta na nananatili umanong nakatago ang mga taong responsable sa mga umano’y malalaking anomalya at katiwalian sa bansa.

Matatandaang kabilang sa mga isyung aktibong isinulong ni Marcoleta ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Sa kasalukuyan, nakapiit si Marcoleta sa New Quezon City Jail – Male Dormitory sa Payatas, Quezon City habang kinakaharap ang mga kasong non-bailable plunder, indirect bribery, at tatlong bilang ng paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap o magbigay ng regalo mula sa mga pribadong indibidwal.