-- Advertisements --

Naniniwala ang National Economic Development Authority (NEDA) na gaganda ang performance sa sektor ng manufacturing sa huling quarter ng 2019, kasabay na rin ng nalalapit na pagpasok ng holiday season.

Batay kasi sa datos ng Philippine Statistics Authority para sa Monthly Integrated Survey of Selected Industries, noong Setyembre ay nakapagtala ng “negative growth” sa tinatawag na manufacturing index.

Sinabi ni NEDA officer-in-charge at Undersecretary for Regional Development Adoracion Navarro, nakakakita na sila ng mga improvement sa ilang subsectors na maaring dulot ng nalalapit na Kapaskuhan, kasabay pa ng mababang inflation at stable na exchange rate.

Ayon kay Navarro, nakakita rin sila ng positive growth mula sa mga inumin, tobacco products, basic metal, wood products, papel, printing, plastic products, at iba pa.

Inihayag ni Navarro na para tulungan pang mapalago ang manufacturing sector, dapat ay isulong ng pamahalaan ang mga high impact at implementable infrastructure projects sa ilalim ng “Build Build Build” program.

Sa ganitong paraan aniya, maipagpapatuloy ang demand mula sa construction-related manufacturers at makakaambag din ito sa pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.