-- Advertisements --

Iginiit ng Leader ng transportation group na Manibela na maghahain sila ng counter charge laban sa Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa mga nangyari sa kanilang protesta sa labas ng House of Representatives.

Ayon kay Mar Valbuena, dapat sana’y nasa 100 metro ang layo ng mga pulis, ngunit talagang malapit umano ang mga ito, hinampas, at sinasaktan din daw ang kanilang mga kasamahan. Aniya, kapag nakakuha sila ng kopya ng reklamo, maghahain sila ng counter charge sa Ombudsman at Commission on Human Rights.

Nauna nang inanunsyo ng QCPD na nagsumite sila ng reklamo laban kay Valbuena at dalawa pang kasamahan para sa nasabing protesta.

Gayunpaman, sinabi ng Manibela na hindi nila agad masasagot ang reklamo dahil hindi pa nila ito natatanggap.

Nang tanungin kung bakit hindi sila nag-apply para sa permit para mag-protesta sa labas ng House of Representatives, sinabi ni Valbuena na walang saysay kung gawin pa ito dahil sa palagay nila’y hindi pa rin sila bibigyan ng permits.

Kinuwestiyon din niya kung bakit nagsumite ng kaso ang QCPD laban sa kanila para sa pagpoprotesta samantalang hindi ito nangyari sa kanila nang magprotesta sila sa ibang mga lungsod.