-- Advertisements --

Inihayag ng transport group na Manibela na binuwag na nila ang kanilang mga protest center, ngunit nananatiling epektibo ang transport strike. Ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena, maraming miyembro ang hindi pa rin bumibiyahe habang inaasikaso ang mga kinakailangang dokumento.

Giit ni Valbuena, ang pagtigil ng operasyon ay hindi na tungkol sa piket kundi para makasunod sa government requirements, partikular sa route master lists. Aniya, kailangang matapos muna ang mga papeles bago muling makabalik sa pasada ang mga driver.

Dagdag niya, praktikal na hakbang ang pagbuwag ng strike centers upang mas maasikaso ng mga miyembro ang compliance. Ilan din sa kanilang liderato ang hindi nakatutok sa operasyon dahil sa pagdalo sa isang legal na pagdinig.

Gayunman, sinabi ng grupo na posibleng magkaroon pa rin ng panibagong strike depende sa galaw ng presyo ng langis, na anila ay hindi pa sapat ang rollback upang maibsan ang pasanin ng mga tsuper. (report by Bombo Jai)