-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Natagpuan na ang bangkay ng mangingisda mula sa Victorias City, Negros Occidental na nawawala matapos masagi ng barko ang kanilang motorbanca sa Ajuy, Iloilo nitong Biyernes ng gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Commander Jansen Benjamin, pinuno ng Coast Guard Station Negros Occidental, kaninang madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ni Marlon Adigue sa Brgy. Nasidra, Ajuy, Iloilo.

Ayon kay Benjamin, ang bangkay ng mangingisda ay natagpuan ni Joel Tamaga kasabay ng isinagawang search and rescue operations.

Mismong mga kamag-anak ng biktima ang nag-identify sa bangkay at kaagad itong dinala sa Victorias City para sa kanyang libing.

Ayon sa Coast Guard official, alas-11:00 ng gabi nitong Mayo 22 nang masagi ng hindi pa natutukoy na barko ang fishing boat nina Marlon Adigue at Agustin Flor.

Dahil sa lakas ng pagkaka-bangga, tumilapon si Adigue mula sa kanilang motorbanca habang nakauwi naman sa Victorias City si Flor at nakahingi ng tulong sa mga otoridad.