Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mandatory evacuation sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Iraq kaugnay ng nangyayaring tensyon sa Middle East.
Una na ring itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa level 4 ang alert status sa buong Iraq para ipatupad na ang mandatory evacuation.
Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, ito ang tinalakay nila sa command conference na ipinatawag ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Lorenzana, nais ni Pangulong Duterte na matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino na nasa Middle East lalo sa Iraq na nagiging sentro ngayon ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Umiiral na raw ang contingency plan kung saan pinasasakay na sa barko ng Pilipinas na nasa bahagi ng Middle East ang mga Pilipinong gusto ng makauwi.
Kasama rin umano sa mga papauwiin ang mga undocumented OFWs at walang pipiliing kababayang iligtas.