-- Advertisements --

Humiling ng dagdag na Security assistance sa Philippine Coast Guard si Mapanas Mayor Ronn Michael Tejano kasunod ng mga namataan presensya ng mga Chinese research vessels malapit sa kanilang lugar.

Kasunod ito ng kamakailan lang na presensya ng isang Chinese research vessel na Shen Kou sa layong 80 nautical miles mula sa territorial waters ng bayan ng Mapanas sa Northern Samar.

Paliwanag ng naturang alkalde nangangamba siya na pagsasamantalahan ng naturang mga Foreign vessels ang marine resources Sa kanilang lugar partikular na sa local fishing grounds nito.

Ayon kay Mayor Tejano, mahalagang matiyak ang kaligtasan at proteksyon ng kanilang mga residente lalo na’t ang kanilang mga pangunahing kabuhayan sa lugar ay ang pangingisda.

Samantala, kaugnay nito ay suportado at sinusugan din ni Northern Samar Gov. Edwin Ongchuan ang panawagan na ito ni Mayor Tejano sa pamahalaan na bantayan at siguraduhin na ligtas ang kanilang lugar mula sa mga hindi awtorisadong mga barko sa loob ng teritoryo ng ating bansa.