Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hinatulan ng guilty verdict ang Malaysian employers ng Pinay na naging biktima ng human trafficking.
Makukulong ng 10 hanggang 12 taon ang mga employers at pinagbabayad din ang mga ito ng RM20,000 o katumbas ng mahigit P200,000 bilang danyos na dulot nito sa biktima.
Ayon sa Sessions Court sa Malaysia, malinaw na lumabag ang mga suspek sa Anti-Trafficking in Persons and Smuggling Migrants (ATIPSOM) Act.
Para kay DFA Undersecretary Sarah Lou Arriola, maituturing na isang malaking panalo para sa Pilipinas ang naging desisyon ng korte sa kabila ng nararanasang coronavirus pandemic ng buong mundo.
Isa lamang daw itong halimbawa ng pagiging tapat ng gobyerno sa kanilang pangako na protektahan at itaguyod ang karapatan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Kinilala ng ahensya ang biktima bilang si “Courage” na tumakas mula sa kaniyang unang employer dahil tinangka umano nito na gahasain ang biktima. Kalaunan ay kinupkop siya ng mag-asawang Malaysian na umabuso rin sa kaniya.
Minaltrato ng nasabing Malaysian couple ang Pinay kung saan pinalo ito ng hanger, pinaso ng plantsa at binuhusan pa ng kumukulong tubig.
Dahil hindi na nakayanan ay muli siyang tumakas at kinupkop ng mag-asawang Pinoy na sinamahan siya na magpunta ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur.
Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon tungkol dito ang mga otoridad. Taong 2018 naman nang makabalik na ang biktima sa bansa.
Sa pamamagitan ng tulong mula DFA ay bumalik ito ng Malaysia noong Pebrero 2019 upang magsampa ng civil case laban sa kaniyang mga dating employers.
Ginamit ng DFA ang kanilang Legal Assistance Fund para tulungan ang biktima na humanap ng abogado at bayaran ang kung anomang gagastusin nito.










