LA UNION – Kasalukuyang binabaha ang maraming lugar sa lungsod ng San Fernando, La Union dahil sa mawalang tigil na malakas na buhos ng ulan dulot ng unos o southwest monsoon.
Sa ngayon ay hindi puwedeng madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang national highway sa bahagi ng monumento sa Barangay Parian dahil sa hanggang baywang na taas ng baha matapos umapaw ang tubig mula sa isang creek.
Dahil dito, mas minabuti ng mga motorista ang lumiko mula sa national highway putungo ng Gov. Joaquin Ortega Avenue upang makaliwas sa baha.
Ilang bahagi naman ng diversion road sa lungsod lalo na sa Barangay Biday ang sarado sa mga light vehicles.
Halos hanggang binti naman ang taas ng tubig sa mga pangunahing lansangan ng central business ng lungsod at hindi rin nakaiwas na bahain ang ilang mga gusali at tindahan.
Samantala, nagpapatuloy ang ginagawang monitoring ng Disaster Risk Reduction and Management Office sa lungsod upang alamin ang tulong o pangangailangan ng mga residente lubhang apektado ng sama ng panahon.
Sa ngayon ay nakakarasan pa rin ng maulap na himpapawid ang lalawigan na may katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan na dahilan ang pagbaha.