-- Advertisements --

Isinasagawa na ngayon ang malalimang imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) hinggil sa kaso sa pagpatay sa isang negosyante at dating tabloid editor na binaril mismo sa loob ng kaniyang parlor sa Quezon City.

Inalerto din ng PNP ang lahat ng yunit nito sa anumang uri ng krimen sa kabila ng kanilang pagtutok sa pagpapairal ng quarantine protocols.

Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, nais nilang mabatid kung sino ang nasa likod ng krimen at kung ano ang motibo nito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nilooban ang parlor ng biktima na nakilalang si Gwenn Salamida kung saan binaril ito sa ulo na naging sanhi ng agad niyang pagkamatay.

Bagama’t pagnanakaw ang pangunahing tinututukan ngayon ng mga imbestigador sa krimen, sinabi ni Eleazar na tinitingnan pa rin nila ang iba pang anggulo upang maging matibay ang isasampa nilang kaso laban sa mga suspek.

Nagpaabot nang pakikiramay si Eleazar sa naulilang pamilya ni Salamida at nangakong ihahatid sa kanila ang katarungang nararapat sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

Samantala, base sa inisyal na imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-3:35 ng hapon kahapon ng mangyari ang insidente.

Ayon kay S/Sgt Jason Santoceldes imbestigador ng kaso, abala sa paglilinis ng salon ang biktima bilang paghahanda sa pagbubukas kapag natapos na ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) nang biglang pumasok ang isang lalaki.

Sinasabing nagpahayag ng holdap ang suspek habang nakatutok ang hindi pa batid na kalibre ng baril pero nanlaban daw ang biktima kaya pinaputukan ang mga ito.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Patuloy ang isinagawang pagsisiyasat ng kapulisan at inaalam kung totoong hinoldap ito o sadyang pinatay ng riding in tandem suspects.