Hindi umano maaaring basta magturo si Vice President Sara Duterte kung pag-uusapan ang “poor governance.”
Katwiran ni Palace Press Officer Claire Castro, nag-ugat ang mga usapin ngayon sa ginawang pagpapa-imbestiga ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mga anomalya na hindi nagawa ng dating administrasyon ng kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ipinaalala ni Castro na 2018 pa kinukwestyon at binabatikos maging ni noo’y Cong. Rodante Marcoleta ang ghost flood control projects pero hindi naimbestigahan.
Kaya sabi ng Palace Official, baka dapat ring tanungin kung ano ang nangyari sa mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build noon.
Iginiit ni Castro na kung klase ng pamamahala ang pag-uusapan, malinaw na mayroong good governance sa ilalim ng pamumuno ni Pang. Marcos.
Reaksyon ito ng Palasyo sa pahayag ng bise presidente kaugnay ng kilos-protesta sa EDSA na ginagamit umano ng administrasyong Marcos ang justice system sa paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal na nagsasalita laban sa korapsyon.










