-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Malacanang Press Corps (MPC) ang alegasyong ginagamit o binabayaran upang pagtakpan ang tunay na kalagayan ng kalusugan ng Pangulo.

Sa inilabas na opisyal na pahayag, iginiit ng MPC na batid nila ang kahalagahan ng kalusugan ng Pangulo bilang bahagi ng pambansang seguridad. 

Ayon sa MPC, makikita sa kanilang mga nakaraang ulat at press briefing kung paano nila masusing tinatanong ang mga opisyal ng pamahalaan hinggil sa isyung ito.

Pinanindigan din ng MPC ang kredibilidad ng kanilang mga ulat nitong mga nakaraang linggo. 

Kinondena nila ang anila’y mga pagtatangkang sirain ang reputasyon ng mga mamamahayag at iligaw ang publiko para sa pansariling interes ng ilan.

Binigyang-diin ng MPC, ang kanilang mga balita ay nakabatay sa beripikadong impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang source at sa kanilang sariling nasaksihan. 

Tiniyak nilang dumaraan sa masusing beripikasyon ang bawat detalye bago ito ilabas sa publiko.

Sa kabilang banda, pinuna ng MPC ang ilang content creators na umano’y nagpapakalat ng impormasyon na walang sapat na batayan at umaasa lamang sa social media, imahinasyon, at kwestyonableng agenda.

Hinimok ng grupo ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita online, lalo na sa gitna ng paglaganap ng mga alegasyon at maling balita sa social media.

Sa kabila ng mga batikos, tiniyak ng MPC na patuloy silang magsasagawa ng kanilang tungkulin—magtanong, magmasid, at mag-ulat nang patas para sa kapakanan ng mamamayan.

Binigyang-diin pa nila na mananatili silang panig sa katotohanan at interes ng bayan, anuman ang mga hamon at sino man ang nakaupo sa Malacañang.

xxxxxxx