Naniniwala ang Malacañang na hindi pa panahon sa ngayon para alisin o bawiin ang ipinatutupad na Alert Level System (ALS) pero bukas naman sa ideyang ilagay ang ilang lugar sa ilalim ng Alert Level 1.
Sinabi ito ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles kasunod na rin nang panawagan sa IATF na simulan na ang paghahanda sa pandemic exit plan ng pamahalaan.
Sa isang panayam, sinabi ni Nograles na hindi siya sang-ayon sa mungkahing alisin na ang kasalukuyang sistema na ipinatutupad laban sa COVID-19 pandemic.
Ang kailangan aniya sa ngayon na gawin ay paigitingin pa lalo ang bakunahan sa iba’t ibang rehiyon sa kabila nang nakikitang “good numbers” sa ibang mga lugar sa bansa.
Iginiit ni Nograles na mahalaga ang pagkakaroon ng Alert Level System lalo pa kung magkaroon man ulit ng panibagong surge.
Noong nakaraang linggo, hinimok nina Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion at OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco ang IATF na gumawa na ng initial steps para makalabas ang Pilipinas sa pandemic mindset.
Isa sa mga suhestiyon nila ay luwagan ang COVID-19 restrictions para sa pagpasok ng mga international travelers sa bansa.