
Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) na isailalim sa lockdown ngayong araw ang lahat ng korte sa Makati City matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid antibody test ang isang empleyado ng korte na nasa Makati courts at isa ring kawani na person under investigation.
Alinsunod na rin ito sa joint memorandum ng executive judges ng Makati Regional Trial Court (RTC) at Metropolitan Trial Court METC.
Ang mga positibo sa rapid test ay agad namang sasalang sa swab test sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, ipinag-utos din sa lahat ng mga hukom at court personnel ng Makati RTC at METC na sumailalim sa 14 araw na self quarantine mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 8.
Samantala, pinayuhan din ang mga judges at court personnel na magsagawa ng contact tracing sa lahat ng nakasalamuha at i-report sa barangay health officers at pamunuan ng korte kung sila ay magkakaroon ng sintomas ng COVID-19.
Sa kabilan nito, tiniyak ng Makati court na full operation pa rin ang mga trial courts sa lungsod at puwedeng ma-contact sa kanilang emails at hotlines.
Puwede rin umanong magsagawa ng video conferencing ang mga korte at tumanggap ng mga pleadingsa pamamagitan ng electronic filing.
Samantala, pansamantala ring isinara ang Valenzuela City Regional Trial Court matapos magkaroon ng contact sa covid positive ang isang court personnel.
Sa memorandum na inisyu ni Executive Judge Maria Nena Santos, iniutos ang temporary lockdown lockdown ng RTC-Bulwagang Pangkatarugan at ang self quarantine ng mga hukom at court staff mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 9.
Kung negatibo raw ang resulta ng swab test ng mga kawani ay agad na magbabalik ang in-court proceedings at transactions.
Pero sa sandaling positibo ito sa covid, tuloy ang lockdown at 14 day quarantine ng mga hukom at empleyado ng Valenzuela RTC.










