Pinag-aaralan ngayon ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang paghahain ng resolusyon para pa-imbestigahan sa Kamara ang pag-aresto sa anak ni Justice Secretary Boying Remulla dahil sa ilegal na droga.
Ayon sa Makabayan bloc lawmaker na tila may ‘double standards’ sa paghawak sa kaso ng anak ni Remulla kumpara sa kaso ni dating Senator Leila De Lima na mahigit limang taon ng nakabilanggo dahil lamang sa testimonya ng mga pekeng testigo.
Pagbibigay-diin ni Castro na lalong malinaw na hindi ito patas para sa libu libong pinatay sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ipinunto ni Castro na October 11 pa inaresto ang anak ni Remulla pero isinabubliko lang ito nitong October 13.
Dagdag pa ng mambabatas, kung hindi ito anak ni Sec. Remulla ay malamang isinama na agad ang media sa drug operation at lumabas agad ang balita ng pagkahuli dito o mas malala ay baka napatay na ito agad at sasabihing nanlaban.
Panawagan ni Castro kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na huwag magbigay ng espesyal na patrato sa kaso at tiyaking masusunod ang itinatakda ng batas sa pagpapataw ng kaparusahan.