Sinisi ng Makabayan bloc sa patuloy na nararanasang kahirapan ng karamihan sa mga Pilipino ang dahilan nang pagbaba ng tust rating ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre.
Sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na ang pagbaba ng approval rating ng Pangulo mula 85 percent hanggang 78 percent noong nakaraang buwan ay resulta ng mataas na presyo ng mga bilihin at ng pro-China policy ng administrasyon.
Matataandaan aniya na ito rin ang pattern noong nakaraang taon nang bumaba sa +45 ang satisfaction rating ng Pangulo, na ayon sa Social Weather Stations ay maituturing pa ring “good” sa kabila ng 11 percent drop mula sa March survey kung saan nakakuha ang Pangulo ng 56 percent.
Ngayon, iginiit ni Zarate, na kapag hindi naipawalang bisa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, extrajudicial killings, kontraktwalisasyon, at pro-China policy ay hindi na nakakagulat pa kung lalong bubulusok ang rating ng Pangulo.
Ayon naman kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, asahan na ang paglagapak ng grado ni Duterte sa mga susunod na buwan dahil sa paglala ng kahirapan at krisis sa pampublikong transportasyon tulad ng pagtigil ng operasyon ng LRT2 at hindi matugunan na problema sa trapiko.
Bukod dito, ngayon din nasisiwalat aniya ang mga katiwaliaan sa loob ng gobyerno, korapsyon, issue sa ninja cops at butas sa good conduct time allowance (GCTA) law.