-- Advertisements --

Isinusulong ng Makabayan bloc ang pagsasampa ng kaso laban kay Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy.

May kaugnayan ito sa kaniyang pag-aakusa sa ilang mambabatas na di-umano’y mataas na opisyal daw ng Communist Party of the Philippiines-New People’s Army.

Kahapon ay sinuspinde ng House Committee on Appropriations ang nakatakdang budget proceedings ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) matapos akusahan ng Makabayan si Badoy ng red-tagging.

Dito ay ipinakita ni ACT Partylist Rep. France Castro ang screenshot ng mga posts ni Badoy pati na rin ang sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTL-ELCAC) kung saan sinasabi ng mga ito na ang mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc ay terorista.

Ayon kay Castro, dapat umanong linawin ni Badoy ang kaniyang mga akusasyon laban sa mga myembro ng Makabayan bloc under oath.

Bukas ay muling gigisahin ng mga mambabatas si Badoy kung dadalo ito sa budget hearing.