Maaaring nagpapakita ng iisang layunin laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magkahalintulad na pahayag nina Bise Presidente Sara Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, bagama’t nasa publiko pa rin aniya ang paghusga kung ito ay sabwatan o magkahiwalay na pagpapahayag ng matinding galit.
Ito ang inihayag ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin.
Ayon kay Garin, hindi maaaring balewalain ang pagkakapareho ng mga pahayag ng magkapatid na kapwa halal na opisyal.
Aniya, kung pareho silang nagsasalita tungkol sa karahasan laban sa Pangulo, posibleng nagpapakita ito ng intensyon at matinding emosyon na dapat seryosohin.
Nauna nang sinabi ni VP Sara sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 na inutusan niya ang isang tao na patayin si Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Samantala, sinabi rin umano ni Mayor Baste sa isang pagtitipon na “isang ulo lang ang kailangan,” na tumutukoy umano sa Pangulo.
Ayon kay Garin, isinama ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga naturang pahayag sa patuloy nitong pagsusuri kung ang mga ito ay bahagi ng paulit-ulit na banta na may implikasyon sa pambansang seguridad.
Ang mga umano’y pagbabanta ni VP Duterte ay kabilang sa mga batayan ng Article IV ng impeachment complaint, na nag-aakusa sa kanya ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution at high crimes.
Giit ng prosekusyon, dapat suriin ang kanyang sariling mga pahayag at ang mga pangyayaring nakapaligid dito upang matukoy kung karapat-dapat pa siyang manatili sa puwesto.










