-- Advertisements --

speaker1

Magsisilbing inspirasyon sa pamahalaan ang mainit na pagsalubong ng Filipino community sa Estados Unidos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

ito ang inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na kasama sa delegasyon ng pangulo.

Hapon ng Linggo, oras sa US, nang humarap si Pangulong Marcos Jr. sa mga manggagawa at migranteng Pinoy sa New Jersey Performing Arts Center kasama si Speaker Romualdez, first family at iba pang cabinet members.

Ayon kay Romualdez ang suportang ipinakita ng Filipino community ay patunay ng pagtitiwala ng mga Pilipino sa presidente.

Gayundin ay paalala ng nakaatang na mandato nito na iparating sa iba pang world leaders ang posisyon ng Pilipinas pagdating sa ilang isyu tulad ng climate change, food security at rule of law.

Tiniyak naman ni Romualdez sa mga kababayan nating Pilipino sa US na patuloy na gagampanan ng House of Representatives ang trabaho nito na magsulong ng mga batas at programa para mapagbuti ang kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas, at kabuhayan ng mga mamamayan upang hindi na sila mangibang bansa pa.

Pinapurihan din nito ang ambag ng OFWs at migrants sa pamamagitan ng kanilang dollar remittances na aniya’y mga modern day heroes.

Binigyang-diin nito na sa gitna ng external factors na nakakaapekto sa ating ekonomiya, nakatulong ang kanilang remittance upang mapanatiling malakas ang halaga ng piso.

Samantala, umaasa naman si speaker na magiging mabunga at matagumpay ang pagbisita ng Pangulong Marcos sa Estados Unidos katulad ng naging biyahe nito sa Indonesia at Singapore.

Ayon kay Romualdez, ang US ang isa sa pinakamalaking trading at economic partner ng bansa.