-- Advertisements --

Pumapalo sa mahigit Php900-million na halaga ng pondo ang inilaan ng Department Transportation para sa plano nitong pagbuo ng mga bike lanes sa buong bansa ngayong taon.

Ito ay alinsunod sa tinatarget ng ahensya na bumuo ng nasa kabuuang 470km na mga bike lanes sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na itatatag plano nitong itatag sa Regions I, III, National Capital Region, IV-A, V, VI, VII, VIII, at XI na mayroong kabuuang pondo na Php932,820,342.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure James Andres Melad, ang karagdagang 470km na mga protected bike lanes at pedestrian infrastructures ay bahagi ng kanilang layunin na bumuo ng active transport na isang viable transportation at mobility options.

Aniya, ang mga naturang protected bike lanes ay mag0-aambag sa pagbabago sa pananaw ng ahensya na inaasahan ding magreresulta ng pagbabago sa paningin at paggamit ng mga pampublikong kalsada.

Samantala, kaugnay nito ay inaasahang hindi bababa sa 332,000 residente at aktibong gumagamit ng transportasyon ang makikinabang sa nasabing proyekto.

Idinagdag din ng Transportation Department na ang kanilang active transport campaign ay naglalayong magtatag ng 2,400 kilometro ng bike lane sa 2028 upang magbigay ng ligtas na imprastraktura para sa mga siklista, commuters, at iba pang gumagamit ng kalsada.

Bukod dito ay nakalinya na rin ang road projects ng ahensya para sa taong 2023, kabilang na ang pagpapalawak ng active transport infrastructure sa siyam na rehiyon, ang Intramuros Active Transport Infrastructure Expansion, at ang Quezon City Bike Bridge.