NAGA CITY- Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P88-K na halaga ng ilegal na droga sa limang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Naga City.
Kinilala ang target sa operasyon na si Amadio Malano residente ng Brgy. Concepcion Pequeña sa naturang lungsod habang naaktuhan naman ang iba pang suspek na sina Noel Valin, pintor; Herbie Acabado, construction worker mga residente ng Concepcion Pequeña; Richard Rivera na residente ng Capuknasan Milaor Camarines Sur at si Glindmor Fabella, Security Guard na residente ng Pagatpat, Calabanga Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na nakabili ang umaktong poseur buyer ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7, 500.
Aniya, nakabili ang umaktong posuer buyer kay Malano ng 3 grams ng hinihinalang shabu sa halagang P7,500.
Maliban sa buy-bust item, nakumpiska pa sa mga suspek ang 10 grams ng pinagbabawal na gamot at sa pangkalahatan ay aabot sa P88,400 ang nasamsam na shabu.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.