Naibalik na ang suplay ng kuryente sa mahigit kalahati ng Panay island bagamat nananatiling hindi stable o pawala-wala pa rin ang suplay ng kuryente sa ilang parte ng isla ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Iniulat din ng ahensiya na nitong umaga kabuuang 242.2 megawatts loads ang isinuplay sa isla kung saan 202.9 megawatts dito ang naiserbisyo mula sa Panay power plants at panibagong 39.2 megawatts mula sa iba pang sources sa Visayas.
Ayon kay NGCP spokesperson Cynthia Alabanza , ito ay mahigit kalahati sa normal na demand sa kuryente sa Panay island na 400MW.
Kailangan kasi ng isang grid ng aabot sa 300MW para mag-stabilize at inaantay ang nalalabi pang mga planta mula sa Palm Conception Power Corporation na magbibigay ng 135MW para maibalik sa normal ng operasyon ng grid.
Sinabi naman ng DOE official na hindi nila nakikita na kailangang itaas ang yellow alert sa Visayas grid dahil ang naturang isyu umano ay localized lamang sa Panay island at ang nalalabing bahagi ng Visayas ay mayroon namang suplay ng kuryente.
Matatandaan na nitong araw ng Martes ng maobserbahan ng NGCP ang aberya sa Panay Energy Development Corportaion Unit 1 dahil sa internal issue. Sinundan ito ng iba pang mga planta kinahapunan na nagdulot ng malawakang power outage sa Panay island.