
Target ng Department of Education (DepEd) na makapapatayo ng mahigit 6,000 silid-aralan ngayong taon kung saan nasa P15.6 billion ang nakalaan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa na nagpapatuloy ang procurement para sa konstruksiyon ng mga silid-aralan habang isinasapinal na ang listahan ng mga site kung saan ipapatayo ang mga ito.
Saad pa ni Poa na isinasagawa ang naturang proyekto sa pakikipagtulungan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sila ang bihasa pagdating sa engineering.
Ibinahagi din ni Poa na mayroong dalawang paraan na ginagawa ang ahensiya para masolusyunan ang kakulangan sa mga silid-aralan at mga guro.
Isa na dito ang tradisyunal na paraan ng pagtatayo ng karagdagang mga pasilidad at pag-hire ng karagdagang mga guro at non-teaching staff at ikalawa, ang pag-maximize sa paggamit ng teknolohiya.
Ayon kay Poa, mayroon na aniyang dinidevelop na online hub na naglalaman ng learning resources para maaaring makita online at ma-download.
Una ng ibinunyag ni DepEd Undersecretary for School Infrastructure and Facilities Epimaco Densing III na nasa 165,000 sa buong bansa ang kulang na silid-aralan.










