-- Advertisements --
mmda logo

Mahigit 400 barangay sa Metro Manila ang nanganganib sa baha dahil sa inaasahang pinagsamang epekto ng Habagat at Bagyong Betty o kilala sa international name na Bagyong Mawar, ayon sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Batay sa report na inilabas ng ahensya, nagpapakita na 423 barangay sa Metro Manila ang nasa panganib ng baha: 124 sa Caloocan City, 110 sa Quezon City, 109 sa Manila City, 32 sa Valenzuela City, 14 sa Malabon City, 13 sa Navotas City, at isa sa Pasig City.

Ito ay matapos maglabas ng datos ang Department of Science and Technology at ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makikita na 50-millimeter rains ang inaasahan.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando Artes, kahit lumihis at hindi mag-landfall sa Pilipinas ang bagyo, ay hihigop ito ng hanging habagat na magdudulot ng pag-ulan at pagbaha.