Mas mahabang biyahe ang aasahan ng ilang mga pasahero simula sa Pebrero 1 matapos na walang jeepney units ang nag-consolidate sa kabuuang 313 ruta sa Metro Manila.
Una ng nagbabala si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz na huhulihin na ng law enforcers ang mga dyip na hindi nag-consolidate sa ilalim ng PUV modernization program dahil ikokonsidera na ang mga ito na iligal at colorum.
Tanging nasa 238 na ruta sa rehiyon ang mayroong mahigit 60% na consolidation rate habang nasa 306 ruta ang mas mababa naman sa 60% ang consolidation rate.
Sa kabila nito, ikinatwiran naman ni LTFRB-NCR regional director Zona Tamayo na ang mga rutang wala pang nakapag-consolidate ay secondary at duplicate routes habang ang pangunahing kalsada sa capital region ay mayroong consolidated entities na maaaring magserbisyo sa mga maapektuhang pasahero.
Sa buong bansa naman, umaabot sa mahigit 30,000 public utility jeepneys ang ituturing ng iligal at colorum dahil hindi na pinalawig pa ng administrasyon ang nagpaso ng consolidation deadline.
Sa kabila nito, sinabi naman ng LTFRB na mayroong nakalatag na contingency measures at nakikipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan at national agencies gaya ng Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police para alalayan ang mga mananakay na maapektuhan sa mga rutang walang papasadang pampublikong sasakyan.










