-- Advertisements --
Buntis

Umabot sa kabuuang 2,478 na kababaihan ang naitalang namatay dahil sa panganganak noong taong 2021, higit doble ito sa bilang ng mga namatay noong taong 2019 na umabot lamang sa 1,458 na kababaihan.

Ang naturang resulta ay batay sa isinagawang pag-aaral ng United Nations Population Fund Philippines.

Sa isang pahayag sinabi ni Dr. Leila Saiji Joudane ,kinatawan ng UNPF PH , na ang bilang na ito ay nangangahulugan na anim hanggang 7 na babaeng Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa panganganak.

Inilahad rin ni Dr. Saiji ang mga dahilan ng pagkamatay ng ilang mga kababaihan, isa na rito ang kawalan ng sexual at reproductive health services dahil hindi ito accessible.

Sinabi pa ni Dr. Saiji na ito ay dahil sa mahinang kalidad ng serbisyong pangkalusugan.

Isa rin aniya sa rason ay kakapusan sa mga human resources at kakulangan sa mga trained health care workers na nagbibigay sana ng dekalidad na sexual at reproductive na mga impormasyon.

Inilahad din sa pag-aaral ng United Nations Population Fund Philippines na 14% ng mga buntis na babaeng Pilipino ang hindi nakatanggap ng kinakailangang medical care kagaya ng regular check up habang buntis.

Ayon kay Dr. Saiji, mayroong top 5 na kawsa ng maternal deaths at ito ay komplikasyon sa pagbubuntis, childbirth, puerperium, eclampsia, pre eclampsia at hemorrhage.

Aniya ,lahat ng ito ay maaaring maiwasan kung mayroong accessible proper medical intervention at sapat na health -care systems.