-- Advertisements --
PCG logo

Nakapagsagawa ang Northern Luzon Command(NolCom) ng kabuuang 202 na combat operations sa kabuuan ng 3rd quarter ng 2023.

Sa isinagawang comprehensive review sa headquarters ng NolCom sa lungsod ng Tarlac, iprinisenta ng mga kumander at operations head ng naturang command ang nagawa nitong magkakasunod na operasyon sa kabuuan ng Hilagang Luzon.

Mula Hunyo hanggang sa pagtatapos ng Setyembre, nagawa umano ng naturang command na makapag-neutralize ang kabuuang 42 na miyembro ng komunistang NPA.

Sa pamamagitan din ng mahigit dalawang daang mga operasyon, nakakumpiska ang NolCom ng 87 na mga baril na ginagamit ng mga aktibong miyembro ng NPA.

Maliban dito, umabot sa 156 na miyembro at suporter ng CPP-NPA-NDF ang sumuko rin sa kasundaluhan na labis na nagpababa sa bilang ng mga rebelde sa buong rehiyon.

Sa ilalim naman ng territorial defense, nakapagsagawa ang Nolcom ng kabuuang 18 na air patrol at walong surface patrols.

Kabilang sa mga napatrolyahan dito ay ang Bajo De Masinloc(Scarborough Shoal) sa West Phil Sea, Benham Rise(Phil Rise) at ang Batanes Strait sa probinsya ng Batanes.

Nagawa rin umano ng naturang command na i-challenge ang kabuuang 14,571 vessel na nasa palibot ng karagatan ng bansa.

Ito ay maliban pa sa mga humanitarian at disaster response operations na isinagawa ng mga sundalo, lalo na sa kasagsagan ng Super Typhoon Egay.