-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Umaabot na sa 2,283 patents o titulo ng lupa ang naipamahagi na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) region 2 sa tuloy tuloy na pagsasagawa ng malawakang handog Titulo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR region 2 na nagkaroon ng malawakang Handog titulo ng lupa bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Phil. Environment Month” at bilang suporta sa “Pamana sa pamilyang Pilipino Duterte Legacy”.

Ang pamamahagi ng patent o titulo ay bahagi ng tungkulin ng DENR na suportahan ang “Inclusive Growth Development and Promoting Lasting Peace” .

Ito ay kasama sa programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).

Inihayag ni Regional Executive Director Bambalan na noong June 13-14, 2022 ay namahagi sila ng titulo sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino habang noong May 27, 2022 ay sa Batanes.

Aabot sa 2,283 patents o titulo ang naimapahagi na sa mga benepisyaryo ngunit mayroon pa ring patent ang kasalukuyang pinoproseso sa kanilang tanggapan na ipapamahagi nila sa mga susunod na buwan.

Mayroon anyang land inspection and land examineers ang DENR na susuri bago mabigyan ng titulo ang mga nag-a-apply para magkaroon ng patent o titulo.